ni Sherie Nicole G. Villena

Pangunahing Impormasyon Tungkol sa Produkto
Ang Probio Food Digester ay isang makinaryang masusing pinag-isipan at pinag-aralan ng ikatlong pangkat ng S11-05 upang matugunan ang suliraning kinakaharap ng Barangay II, Mataas na Kahoy, Batangas ukol sa mabilisang pagdami ng basura. Ang makinaryang ito ay isang waste digester na gumagamit ng mga tira-tirang pagkain o food wastes bilang pangunahing materyal sa paggawa ng renewable energy source sa anyo ng biogas. Ang produktong ito ay kapaki-pakinabang sa napiling komunidad para sa CAPSTONE ng ikatlong pangkat sapagkat ang mga tira-tirang pagkain ay kalimitang nabubuo sa tahanan at magagamit pa ito ng mga residente bilang pamalit sa mga gasul dahil ang biogas na mabubuo mula rito ay magagamit nila sa pagluluto. Para mabuo ang biogas, ilang mga kemikal na maaaring makapag-agnas ng basura kagaya ng bakterya ang magsisilbing decomposers ng mga tira-tirang pagkain na dadaan sa prosesong anaerobic digestion o ang pagbuo ng biogas nang hindi gumagamit ng oxygen. Bukod sa pangunahing produktong biogas, ang mga tira-tirang pagkaing dumaan sa prosesong anaerobic digestion ay nakakabuo rin ng biofertilizer na isang waste product ng makinarya na maaaring gamitin ng mga residente bilang pandilig sa kanilang mga pananim. Hindi kagaya ng mga naunang biogas digesters dito sa Pilipinas maging sa iba’t ibang panig ng mundo, ang aming produkto ay gumagamit ng food wastes imbis na dumi ng hayop. Ito ang napagdesisyunan ng pangkat dahil ang napiling komunidad ay masasabing commercialized o binubuo ng iba’t ibang negosyong may kinalaman sa pagkain kung saan mas magiging epektibo ang paggamit ng tira-tirang pagkain dahil imbis na maging problema ng komunidad ang umiiral na suliranin sa basura, magiging kapaki-pakinabang pa ito sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao.
Kalakasan ng Produkto
Bunga ng malikhaing pag-iisip ng ikatlong pangkat na kung tawagin ay Biospectric Corp., nakabuo sila ng isang produktong may layuning makapaglutas sa umiiral na suliranin ng komunidad sa basura. Gayunpaman, kagaya ng iba pang mga produktong makikita ngayon sa iba’t ibang lugar, ang Probio Food Digester ay mayroon ding sariling kalakasan at kahinaan batay sa kakayahan nitong makabuo ng alternatibong enerhiya. Sa unang banda, kung pagtutuunan ng pansin ang kalakasan ng produktong ito, tiyak na una sa listahan ang kakayahan nitong magbigay ng alternatibo ngunit ligtas na uri ng gas na hindi nakakapaminsala sa kapaligiran. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang pinagkukunan ng enerhiyang ginagamit sa pagluluto ay galing sa mga fossil fuels na pinangangambahan nang maubos dahil sa mapang-abusong paggamit ng tao. Kaya naman, isa rin ang dahilang ito kung bakit ipinagpatuloy ng pangkat ang pagbuo ng konsepto ng kanilang produkto. Bukod sa kakayahan nitong makapagbigay ng ligtas at alternatibong uri ng enerhiya, ang pangunahing materyal upang mapagana ito ay mabilis lamang matagpuan sapagkat sa kahit saang lugar naman ay matatagpuan ang basurang mula sa mga pagkain. Layunin ng produktong ito na mabawasan ang dami ng basura ng komunidad ng halos labinlimang porsyento sa loob lamang ng isang taon at tinatayang sampung porsyento ang maaaring mabawas sa buwanang gastusin ng bawat residente kung mas pipiliin nilang gamitin ang Probio Food Digester kaysa sa mga LPG gas. Dagdag pa rito, mas tiyak na ligtas ang biogas bilang enerhiya sa pagluluto dahil pinapababa nito ang greenhouse gas emissions na kalaunang nagpapababa rin ng mga epekto ng global warming. Kaya naman, masasabing isang hakbang patungo sa maayos na kalidad ng kapaligiran ang pagtangkilik sa produktong ito.
Kahinaan ng Produkto
Sa kabilang banda, may mga naitala ring kahinaan ang Probio Food Digester bilang hindi pa ito ganap na ginagamit ng karamihan lalo ng ng mga malalaking establisimyento. Isa sa mga kahinaan nito ay ang kahabaan ng proseso sa paggawa ng biogas. Sa katunayan, inaabot ng tatlong linggo ang kabuuang proseso ng pagbuo ng biogas kung hahayaan lamang ang mga bakterya na magtrabaho sa paggawa nito. Bagaman nakaisip ang pangkat na gumamit ng isang heat lamp bilang pampabilis ng kabuuang proseso, maituturing pa ring matagal na panahon ang isang linggong paghihintay bago makagawa ng biogas. Nagsilbi itong kahinaan ng produkto sapagkat mas mahaba ang gugugulin ng residente sa paghihintay kaysa sa panahong magagamit niya ang biogas sa pagluluto. Ayon sa mga sinaliksik ng grupo, ang biogas na magagawa sa huling bahagi ng proseso ay maaaring magamit ng dalawa hanggang tatlong oras lamang ng pagluluto. Dagdag pa rito, ang sistemang ginagamit sa kasalukuyan sa paggawa ng biogas ay hindi pa ganoong kahusay dahil na rin sa bahagyang pag-unlad sa larangan ng teknolohiya. Sa panahon ngayon, hindi pa nagkakaroon ng materyal o proseso na maaaring magpaikli pa ng kabuuang proseso ng pagbuo ng biogas.
Rekomendasyon
Sa masusing pagsisiyasat ng makinaryang Probio Food Digester, makikitang isa pa rin itong kapaki-pakinabang na produkto para sa napiling komunidad sa kabila ng mga kahinaang nabanggit. Tiyak na hindi pa rin mahihigitan ng mga kahinaang ito ang dulot na bentahe ng produkto sapagkat maganda pa rin ang layunin nitong makapaglutas sa nananaig na dilema sa komunidad. Sa pamamagitan ng Probio Food Digester, unti-unti nang makakagawa ng maliit ngunit magandang hakbang sa hangaring pagpapabuti at pagpapaunlad ng komunidad ng Barangay II, Mataas na Kahoy, Batangas. Patunay ang produktong ito na hindi kinakailangang maglabas ng malaking halaga mula sa bulsa upang makagawa ng kagila-gilalas na solusyon para sa bayan. Tanging intelektuwal na kapasidad lamang ang puhunan ng malikhaing konseptong ito, na tinatayang magdudulot ng makabagong kapaligirang hangad natin sa mga susunod pang salinlahi.
Mga Tao sa Likod ng Pagbuo ng Konsepto ng Produkto















