BBM: Biomass Briquetting Machine

ni Meliah Isabel P. Sebuc

BBM: Biomass Briquetting Machine Prototype

“The greatness of a community is most accurately measured by the compassionate actions of its members”, wika ni Coretta Scott King. Magkakaroon ng pag-unlad ang isang pamayanan kung ang bawat mamamayan nito ay may pagkukusa, pagtutulungan at pagkakaisa na iangat ang sarili maging ang komunidad na kinabibilangan. Bilang isang Lasalyanong mag-aaral, kami ay may layuning makibahagi sa minimithing pagbabago. Ang pagsuporta at pagbibigay ng mga paraan ay maaaring isakatuparan upang maging isang responsableng mamamayan na handang tumugon sa tawag ng pangangailangan.  Ang CAPSTONE Initiatives ang nagbibigay daan sa amin upang mas mapayabong ang aming social awareness at social engagement. Ang aming grupo ay naatasang pumili ng isang barangay sa Lipa City upang suriin ang lugar at alamin ang mga problema na kanilang kinakaharap. Mula sa mga nakalap naming datos tungkol sa barangay na aming napili, nalaman namin na ang komunidad ay may hinaharap na suliranin sa sanitation at renewable energy. Dahil doon, ang aming grupo ay may mungkahing proyektong tinatawag naming “BBM: Biomass Briquetting Machine” na may layuning makapagbigay ng agarang solusyon sa problema ng barangay.

Ang BBM o Biomass Briquetting Machine ay isang makabagong makina na tutulong upang mabawasan ang nagkakalat na mga basura sa komunidad at mabigyan ng alternatibong pagkukunan ng enerhiya ang mga residente. Kokolektahin ang mga nabubulok na basura sa komunidad at ilalagay ang mga iyon sa makina kung saan dadaan sa maraming proseso tulad ng pag-ipit hanggang sa maging compressed block ang mga naipong basura.  Sa prototype pa lamang ng proyekto, masasabi na may abilidad na itong masolusyunan ang problema ng barangay. Pinag-isipan nang mabuti ang makina at nakaayon ito sa pagresolba ng problema sa basura at pagkukuhanan ng enerhiya. Maganda at makabago rin ng disenyo ng makina. Kasama sa kalakasan ng aming proyekto ay ang abilidad nitong makapagbigay ng malinis at abot-kayang enerhiya sa mga residente, mabawasan ang produksyon ng mga nabubulok na basura sa komunidad, mapababa ang ng gastusin sa LPGs, maipamalas ang benepisyo ng paggamit ng basura at gawin itong isang mapakikinabangan bagay at makapagbigay ng maaliwalas at may kalidad na buhay para sa mga mamamayan ng barangay. Sa dami ng kailangan upang maisakatuparan ang proyekto, maraming pondo rin ang kinakailangan. Mahigit sa Php 20,000 ang magiging halaga ng pagbuo pa lamang ng makina. Hanggang ngayon, isa pa rin iyong bagay na pinagkakaabalahan ng aming grupo kung sakaling mapili ang aming proyekto. Isa pa, limitado pa ang kaalaman o kasanayan ng aming grupo sa pagbuo ng makina sapagkat hindi pa naman kami nakakakuha ng mga kurso na may kinalaman sa engineering. Gayunpaman, ang mga kasapi ng aming grupo ay handa pa rin upang makatulong sa mga tao maging sa ating kalikasan.

Ang masidhing hangarin naming mga mag-aaral na makatulong upang masolusyunan ang mga suliranin hinggil sa basura at renewable energy ay maging susi nawa sa ipagtatagumpay ng aming proyekto. Marami mang balakid o pagdadaanan ang aming grupo sa pagsasagawa ng proyekto, mananaig pa rin palagi ang aming layunin na makatulong at makapagbigay ng pagbabago sa komunidad. Nawa ang hamon sa amin at ang pangarap naming makamit ang kaunlaran ang magsilbing daan upang ipagpatuloy namin ang pagkakaroon ng malasakit sa kapwa, komunidad at kalikasan.

Rebyu ng BBM: Biomass Briquetting Machine

Ang Biomass Briquetting Machine o mas kilala sa tawag na BBM, ay tunay na nakatutulong upang mabawasan ang bilang ng basura sa paraan ng pagbibigay dito ng bagong pakinabang. Sa halip na nakakalat at nakatambak lamang ang mga basura sa kung saan-saan ay maaari na itong magamit bilang panggatong dahil sa proseso ng BBM. Ang makinang ito ay may kakayahang bumuo ng uling o briquette gamit ang mga basurang nakakalat sa daanan. Binubuo ito ng blender, molder at tray na paglalagyan ng pinal na produkto.

Ang blender nito ang dumudurog at nagpapapulbos ng basura na nalikom, pagkatapos sumailalim sa blender ay ilalagay na ito sa molder na kung saan dito pinoproseso ang pagkahugis uling nito. Ang pinal na produkto naman ay mailalagay sa tray at saka ibibilad sa araw para lalong tumigas at maging isang ganap na uling.

Ang uling mula sa BBM ay maaaring magamit sa maraming paraan. Maaari itong gamitin para sa pagluluto o pagiihaw, maaari rin itong gamitin pangtanggal ng amoy sa refrigerator at banyo, maaari rin na pangabono sa lupa upang mas lalong gumanda ang tubo ng halaman, maaari rin itong ilagay sa mga tool box para maiwasan ang pangangalawang ng mga bakal na kagamitan at higit sa lahat, maaari itong gamitin bilang pinagkukunan ng kuryente sa pamamagitan ng biomass energy.

Mula sa mga positibong ambag nito, Malaki ang potensyal na makatulong ito sa pagbabago ng ating bansa sa pagkawala ng mga basura sa paligid.

Sa kabila ng magagandang dulot ng BBM, nakitaan pa rin ito ng mga kahinaan. Isa na ang mahirap at mahabang proseso nito dahil hindi naman malaki ang makina upang makagawa ng maraming uling, kinakailangan ng 10-15 minutos upang mabuo ang mga ito. Isa pang problema ay ang kakulangan sa kaalaman ng mga residenteng mamamahala rito, may mga pagkakataon na ito ay mapabayaan na lamang at magamit ng mali dahil maaaring hindi umattend ng seminar o ng mga pulong ang residenteng mamamahala rito.

Sa kabuuan, ang makinang ito ay makakaambag upang mapagbago ang ating kapaligiran dahil masososlusyonan nito ang pangunahing problemang matagal nang hinahanapan ng paraang mawala. Isa pa, Malaki rin ang maitutulong ng BBM pagdating sa kalusugan ng mga tao dahil mapapanatili nitong malinis ang kapaligiran na kung saan ay mababawasan ang polusyon na humahalo sa malinis na hangin at maiiwasan na rin ang mga sakit na nagmumula sa basura.

Rebyu ni Gabrielle Anne A. Salubayba